Home » Post Item » HIKA ANG INABOT KO…
HIKA ANG INABOT KO…
August 20, 2008Karipas ng takbo. Ang bilis mong maglakad. Walkathon ang drama. Hindi kita mahabol. Ang lalaki ng hakbang mo. Hindi ko alam kung bakit ka ganyan. Hindi talaga kita maitindihan kung minsan. Minsan pakiramdam ko ay pinagtya-tyagaan mo na lang ako. Hindi naman kita pinipilit na sumama sa akin eh. Mas gusto ko pang mag-isa na lang ako kaysa naman samahan mo ako na ramdam ko namang napilitan ka lang naman talaga. Ayos lang. Madali lang naman akong kausap. Kung ayaw mo, ok lang. Kung gusto mo, mas ok.
Mahirap talagang humindi sa isang kaibigan. Alam ko iyon. Wag kang mag-alala, hindi makitid ang isipan ko. Naiintindihan kita.
Ikukuwento ko sa iyo. Tatlo kaming magkakapatid. Ikatlo ako. Ang kuya ko, pinag-aaral ng aking ina upang maging bihasa sa paggigitara at pagba-bass. Ang ate ko, pinag-aaral ng aking ina upang maging magaling na taga-awit. At ako, pinag-aaral ng aking ina upang matutong magpiano. Summer noon. Anim na taong gulang ako noon. Ano man ang sabihin ng ina ko ay sususndin ko, kasi bunso ako. Bunso ako NOON. Kailangang sumunod ako. Anim na taong gulang ako noon, kahit ang gusto koay magbike sa ilalim ng araw ay nasa loob ako ng bahay, nagkakanda-ngawit-ngawit ang likod kakapindot sa mga puti at itim na keys. Humaba na nga ang aking mga daliri kakaabot sa F chord.
Minsan masaya. Minsan din hindi. Matagal kasi ako makakuha at makaintindi. Matagal magproseso sa isipan ko ang mga tinuturo ni inay o kaya ng piano instructor. Kumbaga sa internet, loading pa. Minsan kurot ang abot ko kapag nag-aalburoto at nagrereklamo. Parang inalisan ako ng karapatan maging bata. Minsan mahirap. Pero ngayon, naiintindihan ko na. Parte siguro iyon ng pag-aruga sa akin ng aking ina. Kailangan ko daw matutunan maging matiyaga. Parang ngayon, kahit ayaw ko, kailangan kong magtiyaga.
Ayaw kong mamilit ng tao. Nararamdaman ko ang nararamdaman mo. Mahirap.


