Home » Archives » 10. August 2008
STALKER.
August 10, 2008If i could rename stalker, then it would be sky.
Noong bata pa lang ako, mahilig na akong tumingala sa langit. Hindi iniinda ang sinag ng araw, Manghang- mangha ako sa dulot na kahiwagaan ng kaulapan. Sabi ng nanay ko, lahat daw ng mga namatay na tao, gaya ng lolo ko ay pinapanood at binabantayan ang kanilang mga apo para ilayo sa kapahamakan. Parang guardian angel daw, kaso lang, hanggang tingin lang sila. Hidi nila kayang bumaba sa lupa kasi makukuryente sila pag sinubukan nila.
Masarap titigan ang langit. Masarap obserbahan. Tanong ko noon, bakit hindi nawawala ang langit. At tska bakit parang sinusundan ako…pumasok na nga ako sa loob ng bahay, nandun pa rin siya naghihintay para ako ay lumabas at tingnan ulit siya. Parang nangungulit na kalaro. Nakakatuwa. Parang sa bawat galaw ko ay nariyan siya upang ako ay bantayan. Hindi niya ako tatantanan kahit saan man ako magpunta. Siya ang aking dakilang tagasunod– ang aking tagabantay. Kung magkakaroon nga lang ng award, eh i-nonominate ko ang langit bilang “GREATEST STALKER”.
At dahil sa kapansin- pansing pagsunod sa akin ng langit, di ko maiwasang tingnan at titigan ito. Napapansin kong ito’y nagpapalit- kulay. Mula sa asul, nagiging kulay rosas… Kung minsan rin naman nakakagulat na bigla- bigla itong magiging kulay kahel at pula. Parang gusto nitong sabihin sa akin na may paparating na panganib. Nakakatuwa. Mawalan man ako ng mga taong kaibigan, alam kong nariyan ang buwan, langit at mga bituin para ako’y damayan. Hindi man nila ako nkakasama ng tuwiran, alam nila kung gaano ako kasaya makita ko lang sila…
Sabi nga sa nabasa kong libro, “Tumingala ka lang sa langit para guminhawa ang pakiramdam mo.” Totoo… Sa tuwing nalulungkot ako, tinitingnan ko ang langit at nagbubuntong hininga… Subukan mo. Nakakapatid-pagod at nakakagaan ng loob.


